WALANG FUTURE. Ganyan ang tingin nila sa’kin. Bukod kasi sa nuknukan ang katigasan ng ulo ko, ay never pa akong nagseryoso sa aking pag-aaral. Lalo na ngayong college na ako. Katunayan, umabot na ako ng anim na taon sa kolehiyo. Pero, ‘di pa rin gumagradwet. Ang rami ko kasing mga back subjects at incomplete na hanggang ngayon, hindi ko pa matapos-tapos. Laging laman kasi ng isip ko ang mga gimikan, lakwatsa at siyempre---mga boys! Actually, ginagawa ko na lang rason ang pag-aaral ko para maka-meet ng mga lalaki. Siyempre, habol ko rin ang allowance na binibigay ng mga parents ko sa’kin buwan-buwan. Na siya kong nilulustay sa mga kapritso ko. Thankful na lang ako dahil bukod sa parehong nasa abroad ang parents ko, lagi pang nakalulusot sa kanila ang lahat kong allibies. Kaya until now, wala pa rin sa kanila ang nakababatid sa mga kalokohang pinaggagagawa ko. Ang buo nilang akala, dalawang beses na akong nag-shift ng course. Truth is, I’m irregular nursing student.
Sabi pa nila, bad influence raw ako. Lalo na sa mga nagiging friends ko sa loob ng school. Kaya lately, unti-unti na silang lumalayo sa’kin. Katwiran nila, gusto raw nilang may marating in the near future. In short, gusto nilang magtapos sa kolehiyo. Pero ako? Ni minsan yata, hindi man lang sumagi sa kukote ko ang magkaroon ng goal sa buhay. Wala akong pangarap para sa sarili ko. Ang tangi kong pinag-uukulan ng pansin, ay kung pa’no makabingwit ng lalaking guwapo’t mayaman. Kaya imbes na pumasok sa eskuwelahan, sa mga sosyal na gimikan ako madalas tumambay. Bukod kasi sa excitement na hatid ng pagkakaroon ng iba-ibang mga lalaking nakikilala ko, ay nabibigyan rin ng justice ang pagkahilig ko sa mga bisyo. ‘Pag narito ako sa gimikan.Isa pa, rito ko lang lubos na naipapakita who really I am. I can act whether it’s good or bad. Na walang mga kilay na magsisitaasan at walang mga bibig na magbubulungan. Hindi tulad sa loob ng school. Feeling ko, wala akong freedom. Everytime na nasa loob ako ng campus. Lahat ng galaw ko, pinagtsitsismisan nila.
Sa kabilang banda, nasanay na rin ako sa mga sinasabi nila against me. Aminado rin kasi ako na totoo lahat ng mga ipinupukol nila sa’kin. Kumbaga, manhid na ako. Isa pa, mas nanaisin ko pa’ng maging totoo sa sarili. Kaysa magpakaplastik! At kahit alam kong kadalasang mali ang pinaggagagawa ko, at least, hindi ako gaya ng iba na madalas maghugas-kamay sa mga kasalanang ayaw nilang aminin na sila ang gumawa. Pero ako, nasanay ng maging open sa mga actions at manners ko. Lantaran kung gumawa ako ng ‘ika nga nila’y ‘labag sa kagandahang-asal’. Numero unong pasaway.
Isang-araw…
“Wala ka ba’ng balak pasukan ang Psycho 4 mo, Diane? Major subject mo pa naman ‘yon, di ba?” ani Lance nang lapitan ako sa bench na kinauupuan ko. Isa sa mga itinuturing na henyo ng buong Nursing department at klasmeyt ko sa ilang major subject ko.
Tinaasan ko ng kilay si Lance na may kasamang mapanuyang ngisi sa mga labi. “E, ano ngayon sa’yo kung ayaw kong pasukan ang Psycho 4, Mr. Alahan? Para sa’kin, boring ang subject na ‘yan. Pati instructor, boring din magturo. At ‘wag mo nga ‘kong pinakikialaman, p’wede? Bakit, friends ba tayo?”
“H-hindi nga. Pero, concern lang ako. Isa pa, malaking palaisipan sa'kin if your parents knows what you are doing here inside the school. Hindi ka ba talaga nagi-guilty sa mga pinaggagagawa mong kalokohan?”
Para akong sinampal sa magkabilang pisngi. Pero, hindi ako nagpaapekto. Bagkus, tinitigan ko ng matalim si Lance. Pero, nagulat ako nang biglang hawakan ni Lance ang isang palad ko. Hindi ako nakahuma. Naglaho tuloy sa utak ko ang sasabihin ko dapat sa mokong na ‘to.
“Isang violation mo na lang, kick out ka na raw sa school. I’m sure, ‘pag nalaman ng parents mo ‘to, sasama ang loob nila. At posibleng mawalan na sila ng tiwala sa'yo,” pagkuwa’y seryosong wika ni Lance. “Isa pa, hindi mo ba nakikita ‘yong mga sacrifices na ginagawa nila to give you a better future? Walang mabuting magulang ang hindi nangangarap na masilayan nila someday na magtagumpay ang mga anak nila. At bilang mga anak, may mga obligasyon rin tayong dapat isaalang-alang. Pero once na naging pabaya tayo, lalo na sa’ting pag-aaral, ang mga magulang natin ang lubos na maaapektuhan. Ganito ba ang gusto mong isukli sa mga kabutihan nila?”
Sunod-sunod ang ginawa kong paglunok. Feeling ko, daig ko pa’ng nakikipag-usap ngayon sa pari. Habang sinesermunan ako. Hindi ko alam ang isasagot. Dahil ni sa guni-guni, hindi ko kayang i-entertain ang ganitong uri ng usapan.
“You should be very thankful to your parents, Diane. Dahil hindi lahat ng mga magulang, may kakayahang pag-aralin ang kanilang mga anak. Lalo na sa kolehiyo. At kung magpapatuloy ka sa’yong maling gawain, I assure na habambuhay mong dadalhin ang matinding pagsisisi sa’yong puso,” pagpapatuloy ni Lance.
Lalo akong hindi nakaimik. At aminin ko man o hindi, sapul na sapul ako sa mga biradang iyon ni Lance patungol sa akin. At bakit yata biglang lumambot ang puso ko sa mga narinig ko? Gusto kong magwalk-out. Pero, tila may sariling isip ang mga paa ko.
“Hindi pa huli ang lahat, Diane. At sana, ‘wag mo ng hintaying maging huli ang lahat. Bago mo ma-realize na walang magandang maidudulot ‘tong ginagawa mong pagpapabaya. Tandaan mo, obligasyon nating mga anak na suklian ng maganda ang mga sakripisyong inilalaan sa’tin ng ating mga magulang.”
ILANG araw na rin ang lumipas noong huli kong makausap si Lance. At aaminin kong tumatak sa isip ko hanggang ngayon ang mga sinabi niya. Katunayan, nakukunsensiya na rin ako sa mga kalokohang pinaggagagawa ko. Na sa tuwing sasagi sa isip ko ang mga iyon, ay bigla na lamang akong napapaluha. Marahil, tama si Lance. Saang anggulo man tingnan, walang mabuting maidudulot sa buhay ko ang pagiging pabaya. Lalo na sa aking pag-aaral. At bilang estudyante, obligasyon kong makatapos sa aking pag-aaral. Hindi lamang upang magkaroon ako ng magandang kinabukasan. Kundi upang bigyang-importansiya ko ang mga hirap at sakripisyo ng aking mga magulang.
ISANG araw, nagulat ako nang may kumalabit sa likod ko. Paglingon ko, ang nakangiting si Lance ang nakita ko. Katatapos lang ng klase namin at pauwi na sana ako.
“Uuwi ka na ba, Diane?” ani Lance.
“O-oo. Saka, me p-projects pa kasi ‘kong kelangan i-rush, eh!” nahihiya kong sagot.
Tinapik ni Lance ang balikat ko. “I’m happy to see you this way, Diane. Sa maikling panahon, nagawa mong magbago. Sana, magtuloy-tuloy na ‘yan.”
Tama si Lance. Nitong mga huling araw, lagi na akong pumapasok sa school. Iniwasan ko ng magbulakbol at pati mga kilos ko’y itinama ko na rin. Pati mga dati kong bisyo, tinanggal ko na rin.
Ngumiti ako. “At first, m-medyo nahirapan ako. Pero everytime na maiisip ko ang parents ko na nagpapakahirap abroad, sobra akong nagi-guilty. And I realized, it’s high time na suklian ko naman ng kabutihan ang mga sacrifices nila for me. Pero, Lance. Salamat ha? Isa ka sa mga nagmulat sa’kin ng mga bagay na ‘to. Tama ka. Obligasyon nating mga anak na suklian ng maganda ang mga kabutihan sa’tin ng ating mga magulang,” maluha-luha kong pahayag.
“Friends?” ani Lance, sabay lahad sa palad nito.
“Friends!” masayang tugon ko.
Alam kong nag-uumpisa pa lamang ako na magbagong-buhay. Marami pa akong kailangan patunayan. Upang maipakita ko sa lahat, lalo na sa parents ko, na seryoso na talaga ako sa aking pag-aaral at hindi na magiging pasaway. Uumpisahan kong gampanan ang OBLIGASYON ko bilang isang estudyante at anak sa aking mga magulang. Mahirapan man ako. Alam kong sa huli, kakayanin ko rin ito.
No comments:
Post a Comment