Monday, December 9, 2013

"BUHAY OFW "

Hindi birong hirap ang dinaranas ng mga kababayan kong kayod-marino sa ibang bansa upang magkamal ng karampot na salapi na ipadadala sa mga mahal nila sa buhay na nasa Pilipinas. Sila ang simbolo ng tunay na Bayani sa makabagong henerasyon na marapat lamang na ipagmalaki! 
Bilang isang anak ng OFW, ramdam ko ang mga sakripisyo't pasakit ng mahal kong Ina na nangangamuhan sa bansang Singapore. Batid ko na ang tanging layunin ng aking Ina ay ang madulutan kami, sampu ng mga kapatid ko, ng masaganang buhay at magandang edukasyon. Kaya anumang hirap at pagod ang dinaranas niya, lahat ng ito'y pilit niyang kinakaya't buong pagsisikap na nalagpasan. 

Ang maging isang OFW ay hindi madaling hanap-buhay. Kinakailangan mo ng sapat na kakayanan na malagpasan ang anumang hirap at lungkot na kakaharapin mo at tibay ng loob na sikmurain ang kalupitan ng ibang NASYON. 

Marami akong mga kababayan na hindi pinalad sa ibang bansa, na ang iba'y pinagmalupitan ng kanilang mga amo at ang masaklap, inabuso't kinitlan pa ng sariling buhay. Kaawa-awang mga nilalang na ang tanging layunin ay ang matulungan ang kani-kanilang pamilya na hikahos sa buhay.

Ramdam ko, darating ang panahon na mapapabilang din ako sa mga kababayan kong OFW. Ngayon pa lamang, naihanda ko ng lubusan ang sarili ko sa posibilidad na puwede kong kaharapin sa ibang bansa upang maghanap-buhay. Anu't anupaman ang magiging kalabasan ng lahat, batid ko na kung ipagkakatiwala ko sa Poong-MAYKAPAL ang lahat, magiging mas panatag ang kalooban kong harapin ang panibagong HAMON na ito na kakaharapin ko! 

Saludo ako sa mga KABABAYAN kong OFW.... 

Walang PINOY na naghahanap-buhay sa ibang bansa na sarili lamang ang iniisip nila. Kung meron man, nawa'y magising na sila't mamulat sa katotohanan na gaano man katayog ang narating nila sa Banyagang lugar, meron pa rin silang Pamilyang uuwian at babalikan sa kanilang Bansang Sinilangan. 

Ang bansang Pilipinas na hindi man mayaman sa materyal na bagay, ngunit nag-uumapaw naman ito ng Pagmamahal, Pagtanggap, Pagkalinga at ng katangiang puwedeng ipagmalaki sa buong Mundo!!!! 

No comments:

Post a Comment