KAKATWA kung iisipin, pero totoo. Hindi imahinasyon, lalong hindi likha ng pagkalikot-likot kong IMAHINASYON. Malamang, iisipin ninuman na may TUPAK ako oras na marinig nila ang kuwento ko. Pa'no ba naman kasi, tipong USAPANG BARBERO kung ihahambing. Ngunit totoo. Hindi SCRIPTED. Hindi kinopya sa iba. It's all brand new! (parang awto lang ha? Luxury car ba ito?haha)
...ang haba ng INTRO!
...toinks!
...nangyari ito about three years ago. Galing nuon ako ng MAYNILA para tanggapin ang munting gantimpala na inihandog sa'kin ng isang kilalang patnugutan sa bansa. Kabado ako. Di magkandaugaga. Pero sobrang excited! Halos magtatalon ako sa tuwa. Kulang na lang, humiyaw ako nang pagkalakas-lakas. Kaso, parang walang tinig na gustong humulagpos sa bibig ko dahil nalintikan na, pati labi ko hayun, nanginginig sa sobrang excitement!
Pagpasok ko sa main entrance nang nasabing patnugutan, animo'y isa akong paslit na hindi malaman ang gagawin. Oo. Estranghero ako sa lugar na yun. First time ko kasi. Kaya pati paraan ng pagpapaandar ko sa elevator, nakupo, hindi ko alam gamitin! First class naman kasi at hindi yaong pangkaraniwang elevator na makikita sa mga MALL. IGNORANTE! kausap ko sa sarili ko. Ngani-ngani ko nang kutusan ang sarili ko sa kahihiyang iyon. Pero thankful ako dahil tanging ang mabait na mamang guard ang kasama ko ng mga oras na yun. Kinapalan ko ang mukha ko sabay tanong nito sa kanya.."Ser, paakyat po ako ng tenth floor. Pa'no ho ba paganahin tong elevator?" hingi ko ng saklolo. Iminuwestra naman ni manong guard ang kamay nito at siya na ang kusang pumindot sa SOSYAL na button ng elevator at sa wakas, gumana rin ito! Nakahinga ako nang maluwag.
Narating ko ang TENTH FLOOR at agad sumalubong sa'kin ang pagkalamig-lamig na buga ng aircon sa loob ng magarbong opisina na iyon. Lalo akong inatake ng nerbiyos at panginginig na pati ata buong kalamnan ko, hayun, naki-join na rin!
Magalang akong bumati sa magandang ginang na nakaupo sa swivel chair. Mestisahin. Nakasalamin at halatang may edad na. Pero naroon pa rin ang angking gandang taglay niya kahit pa litaw na ang mga wrinkles sa mukha niya tanda ng edad nito. Ang higit na nakapukaw sa atensiyon ko ay ang maamo nitong mukha at ngiting malumanay. Agad napawi ang pangamba ko nang masilayan ko ang ngiting iyon ng taong sadya ko.
Umabot din ng dalawang oras ang pag-uusap namin iyon ni GINANG Racadio. Halatang edukada siyang tao at kahit hirap ako sa pagsagot sa english, kinaya ko pa rin! NOSEBLEED ang LOLO mo!hahaha
Sa pag-uusap naming iyon ni GINANG RACADIO, marami akong pointers na nakalap mula sa kanya. Marami akong napulot na aral at mga natutunang lesson mula sa kanya na maari kong mai-apply sa pagpapalawig pa sa kaalaman ko sa larangan ng pagsusulat ng maikling kuwento.
Napakasaya ko pagkatapos nang tagpong iyon at doon lang ako totoong nakahinga nang maluwag. Ibig ko pa sanang maglamyerda at pasyalan ang mga landmark sa buong INTRAMUROS sa MAYNILA, pero gahol na ako sa oras! Magdidilim na kasi at ibig ko na ring makapag-biyahe pauwi ng PANGASINAN. May trabaho pa kasing naghihintay sa'kin kinabukasan.
Dinala ako ng aking mga paa sa may bandang cUBAO, sa terminal ng mga bus na may rutang papuntang NORTHERN LUZON. Habang sarap na sarap ako sa pagnguya sa tinapay na binili ko, may lumapit sa akin na isang babae na sa tantiya ko'y nasa gulang na 28 pataas. May kalaparan ang hulma ng katawan nito at halos magkasing-taas lang kami. Morena. Bilugan ang mukha at may salamin din sa mata. Bahagya akong nagulantang sa paglapit niya,pero agad din akong kumalma. Harmless naman kasi sa tingin ko kay ATE at kung di pa siya ngumiti, malamang at nasupla ko na siya dahil halos dambain niya ako mula sa aking kinauupuan at wala ni isa mang salita akong narinig mula sa kanya.
Maya maya pa, narinig ko ang boses ni ATE. "Sa'n ang punta mo?" usisa niya. "Pangasinan po," simpleng tugon ko. Ni hindi ko siya tinatapunan ng tingin. Kulang na lang sungitan ko siya. Pero hindi ako ganun. "Talaga? Sa'n sa Pangasinan? Dun din kasi ang tungo ko. Saka, taga DAGUPAN ako," magiliw niyang litanya. "Sa urdaneta naman po ako," wala sa loob na tugon ko. Bigla, naging magaan ang loob ko kay ATE. "Alam mo, marunong akong bumasa sa mukha ng isang tao. Marami ang di naniniwala sa kakayahan kong ito, pero ok lang yun. We can't please everybody diba? Gusto mo, basahin din kita sa mukha? Hindi ko naman sinasabing paniwalaan mo ako. Kasi, ikaw pa rin naman ang magtatakda ng magiging future mo. Depende na rin kung hanggang saan ang katatagan mo. Sa nakikita ko sa'yo, marami kang kalungkutan na pinagdaraanan ngayon sa buhay mo. Nararamdaman ko na lagi kang mapag-isa. Sinasarili mo lahat ng mga problema't kalungkutan na dumarating sa buhay mo. Pero sa kabila nito, alam kong matatag kang tao. Hindi ka man mahilig magbukas sa iba ng iyong mga pinagdaraanan sa buhay, kaya mo pa ring dalhin ito ng mag-isa base na rin sa tibay ng iyong kalooban."
Kinilabutan ako sa mga pahayag ni ATE. Pa'no ba naman kasi, totoo lahat ng mga sinabi nito. Bull's eye! Hindi ako naniniwala sa mga taong manghuhula mula't sapul, pero ng mga oras na yun, parang ibig ko nang maniwala! Puwedeng nagkataon lamang ang mga pinahayag ni ATE, pero saktong sakto talaga!
Naumid ang dila ko. Di agad ako nakapagsalita at animo'y napipi ako bigla!
"Nga pala, ako si EMMA...Ikaw?"
"O-ORLIE..." tugon ko. Sa wakas at may tinig ding lumabas sa bibig ko!
"Tingin ko, nasa 21 pataas ang edad mo. Ilang taon ka na?"
"21 po,"tugon ko ulit.
"Bata ka pa. Marami ka pang pagdaraanang mga pagsubok. Pero gaya ng nauna kong sinabi sa'yo, alam kong matatag kang tao. Saka, nararamdaman ko na may angkin kang talino. Tahimik, pero punong-puno ng mga makabuluhang ideya sa isipan na puwede mong gamitin upang makamit mo ang mga minimithi mo sa buhay. Kung di ako nagkakamali, shy type ka. Tama ba ako?" litanya ulit ni ATE na sinabayan ng bahagyang pagtawa.
Bull's eye ulit! Two points na! Lalo akong di nakaimik! Ano ba 'to? kako sa sarili ko. Parang ibig ko nang kumaripas ng takbo dahil ano'ng klase bang tao ang kaharap ko ngayon? Bakit tugmang-tugma lahat ng mga tinuturan niya hinggil sa'kin. Nabubuang na ba siya? O ako? A ewan! Ang gulo! Hilong-talilong tuloy ako!
Pagkuwa'y idinantay ni ATE ang isang palad nito sa balikat ko! "Orlie, wag kang mawalan kailanman ng pag-asa. Kung ano ang mga pangarap mo sa buhay, pag-ukulan mo ito ng sapat na sipag at tiyaga. Normal lang na madapa ka nang ilang beses. Normal lang na masugatan ka't magkagalos. Dahil parte yan ng buhay ng isang tao dito sa daigdig. Ang isipin mo, kung pa'no ka babangon at kung pa'no mo unti-unting pahilumin ang mga sugat na yan sa katawan mo. Lagi mo lang isaisip na sa lahat ng mga laban mo sa buhay, wag na wag mong kaliligtaang lumapit SA KANYA. Kay GOD ka lang manalig at magtiwala. Alam mo. Malungkot ang iyong mga mata. Ang hulma ng iyong mukha ay kababakasan ng mga sanga-sangang dagok sa buhay. Ibig man kitang kaawaan, hindi ito ang paraan upang ipakita sa'yo ang simpatya ko. Maraming nagmamahal sa'yo. Mga taong hindi man personal na nasa tabi mo, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, nakikisimpatya sila sa'yo at naroon ang taos-pusong pagmamahal nila sa'yo."
Hindi ko namalayan, mamasa-masa na ang mga mata ko sa luha. Hindi man ito ang tamang lugar upang mag-senti ako, ng mga oras na iyon ay ibig ko nang umiyak sa magkakahalong emosyon! Ano ba tong nangyayari ngayon sa akin? Heto ang isang estrangherong tao sa harap ko na ngayon ko lang nakadaupang-palad. Pero pakiwari ko, matagal na panahon na kaming magkakilala.
Pagdaka'y tumayo bigla si ATE. "Isang makabuluhang pakay ang sadya mo ngayon dito sa MAYNILA, tama ba ako?" narinig kong wika ni ATE
Tumingala ako sa kanya. "Pa'no n'yo po nahulaan ate?" takang taka ako na ginantihan lang niya ng isang matamis na ngiti!
"Iisipin ng iba na nasisiraan na ako ng bait. Pero wala akong pakialam. Ang hangad ko lamang ay makapagbigay ng payo sa iba. Estranghero man siya o hindi. Eto ang tandaan mo lagi ORLIE. Maraming mga bagay bagay dito sa ibabaw ng mundo na mahirap paniwalaan. Gaya ko. Ang mahalaga, ginagawa mo ito hindi upang makapanakit ng iba kundi para dulutan sila ng konting pag-asa na wag silang susuko anuman ang bagyong dumating sa buhay nila. Tulad mo rin ako ORLIE. Isang ordinaryong tao na may damdamin at emosyon. Kung anumang talento mayroon ako ngayon, yun ay dahil ibig ng DIYOS na gawin akong kasangkapan para sa iba. Ikaw din. May talento ka rin na puwede mong ibahagi sa iba. Kaya kung ano ka. Kung sino ka. Ipakita mo at wag kang pangibabawan ng takot o karuwagan kailanman. Siyempre, lagi mong tatandaan na ang lahat ng mga ito, kailangan mong unahin si GOD at wag na wag mong kaliligtaang tumawag SA KANYA!"
Tuluyan na akong napaiyak. Hindi ko na naman alam kung bakit. Pero ang malinaw sakin ng mga oras na iyon ay sobrang na-touch ako sa mga pahayag ni ATE. Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit. Gusto ko siyang pasalamatan ng todo todo. Pero bigla, hindi ko siya maapuhap sa harap ko. Saka ko na lang napansin ang kotseng papalayo na kanina'y nasa harap namin. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam kay ATE EMMA. Ni hindi ko man lang natanong sa kanya kung saan sa DAGUPAN siya nakatira. O number kaya ng SELPON niya. O kaya friendster kasi yun pa ang IN that time. Hanggang sa makasakay ako ng FIVE STAR pauwi ng PANGASINAN, siya pa rin ang laman ng isip ko. Hay! Kakatwa talaga. Marami mga tanong na nag-uunahan sa kukote ko ng mga oras na yun. Pero wala akong maapuhap ni isa mang sagot. Buong biyahe siyang laman ng isip ko at ng mga naging pahayag niya. Kalaunan, itinamin ko lahat sa isip ko ang mga pahayag na yon ni ATE EMMA. Hanggang ngayon. At kaakibat nito ang pag-asang sana isang araw, dumatal ang sandaling makadaupang-palad ko uli si ATE EMMA at nang makapagpasalamat man lang ako sa kanya!
**********
No comments:
Post a Comment